Nagpaliwanag ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa nangyaring sabay-sabay na brownout kahapon sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa MIAA Media Affairs Division, may generator set ang bawat terminal ng NAIA pero hindi aniya nito kinaya ang buong airport operations.
Sa sabay-sabay na pagkawala ng kuryente kahapon sa NAIA terminals, maraming pasahero ang naapektuhan dahil hindi magamit ang computers sa check-in counters at sa immigration areas.
Ilan ding airport employees at airline personnel ang na-trap sa loob ng elevators ng NAIA terminals 1, 2 at 3.
Ayon sa ilang airport insiders, mahigit limang minutong nagmano-mano ang immigration, airlines at airport operations kasama na ang pag-load ng mga bagahe ng mga pasahero.