MIAA, pansamantalang ipinasara ang open parking area sa NAIA Terminal 3 kung saan nasunog ang 19 na mga sasakyan

Pansamantala munang ipinasara ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang open parking area sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kung saan nasa 19 na mga sasakyan ang tinupok ng sunog kahapon.

Kaugnay nito, inabisuhan na ang mga may-ari ng nadamay na sasakyan na maaari silang kumuha ng fire incident certificate sa Bureau of Fire Protection (BFP) para makapag-claim ng insurance benefits.

Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, mabilis ang pangyayari dahil malakas ang hangin nang mangyari ang sunog kaya’t agad kumalat ang apoy na tumupok sa mga nakaparadang sasakyan sa lugar.


Sa kabila nito, dalawa umano ang tinitingnan anggulo ng Pasay Central Fire Station.

Una rito ang naiwang flammable materials sa isa sa mga nakaparadang sasakyan.

Pangalawa pa sa sinisilip ng BFP ang nasusunog na damuhan at ang pagsabog na maaari ding dahilan ng pagkalat ng apoy sa mga sasakyan sa nakapaligid sa parking area.

Kasunod nito, nilinaw naman ng pamunuan ng NAIA Terminal 3 na wala umanong pananagutan ang Manila international Airport Authority (MIAA) sa pagkasunog ng 19 na sasakyan dahil ang naturang parking lot ay inuupahan umano ng isang concessionaire.

Facebook Comments