MIAA, umaasang iaalis ng US ang travel advisory nito sa lalong madaling panahon

Iginiit ng Manila International Airport Authority (MIAA) na natugunan na nila ang mga pagkukulang sa paliparan.

Ito ay may kaugnayan sa inilabas na mga babala ng Department of Homeland Security sa Amerika na hindi naipapatupad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang maayos na seguridad na angkop sa international standard.

Base sa pagsusuri ng Transportation Security Administration (TSA), kabilang sa mga kanilang pinuna ang airport operation, quality at access control, aircraft security, passenger at cabin baggage security at iba pa.


Pero ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal – tinugunan na nang NAIA ang mga pagkukulang na pinuna ng TSA sa seguridad ng paliparan.

Aniya, simula noong Enero hanggang Mayo ngayong taon, aprubado na ito ng Transportation Security Administration.

Kabilang pa sa inilabas na dagdag sa seguridad na makikita sa NAIA sa mga darating na araw, ang mga electronic explosive trace detector at bagong x-ray machines na may kasamang dual view.

Aasahan na ang mga security equipment’s na ilalagay sa mga terminal ay darating na ngayong taon.

Mas bago at modernong mga teknolohiya ang gagamitin para mas lalo mapabuti ang pag-che-check sa mga bagahe ng mga pasahero.

Umaasa naman ang MIAA na aalisin na ng homeland security ng Amerika ang mga nakapaskil na traffic advisory sa loob ng dalawang linggo.

Facebook Comments