Dumalo ngayon virtually sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Presidential Adviser at Chinese businessman Michael Yang, at may katabi siyang interpreter na nagsasalin sa Mandarin ng mga tanong sa kanya at anumang kaniyang sasabihin.
Ayon kay Yang, siya ay nasa isang hotel ngayon sa Davao.
Si Yang ang sinabing naging koneksyon sa pagitan ng procurement service ng Department of Budget and Management (DBM) at Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ang nabanggit na kompanya ay siyang binilhan ng umano’y overpriced na face mask, PPE at iba pang medical supplies.
Virtually present din sa hearing ang 5 opisyal ng kompanyang pharmally na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Lincoln Ong, Krizle Grace Mago at Justine Garado.
Inamin ni Mohig Dargani na totoong umalis siya ng bansa at nagtungo sa Dubai noong Agosto 18, at ngayon siya raw ay nasa Los Angeles, California.
Magugunitang si Yang at ang 5 opisyal ng Pharmally ay pinaaresto ng Senado, dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig ukol sa report ng Commission on Audit (COA) sa paggastos sa pondong pantugon sa pandemya.