Tukoy na ng mga awtoridad ang pinangalanang middleman ng sumukong gunman sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid.
Kwento ni Roy Mabasa, kapatid ni Lapid at isa ring mamamahayag, ipinakita sa kanya ni Southern Police District (SPD) Director Kirby John Kraft ang pangalan at larawan ng middleman.
Aniya, agad silang nakipag-ugnayan sa Bilibid upang matiyak ang seguridad ng middleman na siyang pag-asa ng kanilang pamilya upang matukoy ang totoong mastermind sa krimen.
“Pinakita niya sa ’kin yung pangalan at litrato ng middleman, kaya lang, I’m not at liberty to disclose it dahil may operation na isinasagawa ang mga pulis, so hayaan na natin sila. At least, nagkaroon siya ng pagkakataon na ipakita sa ’kin. Siguro, baka iniisip niya na ako’y may doubt kasi kapag sinabi mong middleman, there are thousands of possible middlemen ano,” saad ni Mabasa sa interview ng RMN Manila.
“Pinakiusapan natin na kung pwede, i-secure yung middleman kasi alam mo naman dyan sa Bilibid, hindi tayo nakakatiyak d’yan. Maraming namamatay na high-profile inmates in high suspicious circumstances. But, nonetheless, ang punto naman natin e maprotektahan ito sapagkat yung middleman na yun ang magtuturo kung sino nag nagbayad sa kanya,” dagdag niya.
Tumanggi naman si Mabasa na pangalanan ang middleman na sinasabing nakakulong sa Bilibid bilang respeto sa isinasagawang operasyon ng SPD.
Kasabay nito, umapela rin si Mabasa sa publiko na huwag magduda at hayaan muna ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis.
“Among us, ako siguro ‘yong mas gusto kong papangalanan lahat ‘yan, masabi lahat ng kinakailangang sabihin sa publiko para maalis yung agam-agam ng publiko. Pero I also understand where the police stands in a particular situation,” aniya.
“Mayroon silang ginagawang operation, lahat ‘yan siguro pagbigyan natin sila to prove their worth. I mean, kung nagtatrabaho naman sila, e ibigay na natin sa kanila ‘yan,” saad pa ni Mabasa.