Monday, November 16, 2026

Midnight closing sa mga bar at iba pang establisimyento sa Quezon City, ipinatupad kaugnay ng ASEAN Summit

Ipinatutupad na sa Quezon City ang mandatory midnight closing time sa mga bar, karaoke, SPA, massage parlor, internet café at iba pang establisimyento mula Nobyembre 15 hanggang 21, bilang bahagi ng seguridad para sa 49th ASEAN Summit.

Sa ilalim ng Executive Order No. 42 na nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte, kailangang magsara pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ang mga negosyong sakop ng SAFE SEAL Ordinance.

Exempted naman ang accommodation operations ng mga hotel, motel at iba pang lodging facilities, gayundin ang mga 24-hour fast-food chain at convenience store.

Gayunman, sakop pa rin ng midnight closing ang mga restaurant, restobar at drinking lounge sa loob ng mga accommodation facility.

Inaatasan din ang mga establisimyento na panatilihing gumagana ang kanilang CCTV cameras.

Pangungunahan ng Business Permits and Licensing Department, katuwang ang DPOS at QCPD, ang pagpapatupad ng kautusan.

Hinikayat naman ni Mayor Belmonte ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad o insidente sa QC Helpline 122.

Facebook Comments