Pinatitigil ni Senador Imee Marcos ang muling pagtatangka ng Department of Agriculture (DA) na ilusot ang isang “midnight deal” kaugnay sa kahibangan nito sa importasyon mula sa gawa-gawa o imbentong mga kakapusan ng isda.
Tinukoy ni Marcos ang Administrative Order number 10-2022 na pirmado ni Agriculture Secretary William Dar, na hudyat para sa importasyon ng 38,695 metriko toneladang ‘small pelagic fish’ tulad ng galunggong sardinas, at mackerel na ibebenta sa mga palengke.
Malaking kwestyon para kay Marcos ang pag-iisyu ng DA ng certificate of necessity to import gayung tapos na ang closed fishing season at kababalik lang sa kanilang kabuhayan ang mga lokal na mga mangingisda.
Iginiit ni Marcos na kung industriya ng commercial fishing at aquaculture ang pag-uusapan, ay walang kakapusan sa lokal na supply ng isda at ang anumang pagtaas sa presyo nito ay dahil sa tumataas na presyo ng langis.
Pinuna rin din Marcos ang hindi pagkonsulta ng DA sa National Fisheries and Aquatic Resources Management Council na nagsabing hindi kailanman natalakay sa second-quarter consultation meeting noong Abril 29 ang pangangailangan sa panibagong importasyon ng isda.