Manila, Philippines – Nagtakda na ng deadline ang Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpapatala ng mga political party at kwalisyon ng mga political party kaugnay ng midterm elections sa May 13, 2019.
Ang deadline para sa pagsusumite ng petition for registration ng mga political party ay itinakda sa July 15, 2018, habang ang pagsusumite naman ng petition for registration of coalition of political parties ay itinakda hanggang sa August 31, 2018.
Una rito ay inanunsyo ng COMELEC na sa July 2, 2018 ay muling bubuksan ang pagpapatala ng mga botante o continuing registration of voters bilang paghahanda sa eleksyon sa susunod na taon.
Ang continuing registration ng mga botante ay tatagal hanggang September 29, 2018.
Ang aplikasyon ay kinakailangang personal na ihain sa mga tanggapan ng election officer sa kani-kanilang mga lugar mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon mula Lunes hanggang Sabado kabilang ang holiday.