Manila, Philippines – Kinukwestyon ng Bagong Alyansang Makabayan ang tila kakaonting hakbang ng Malacañang kaugnay sa usapin ng kurapsyon sa Bureau of Customs.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng grupong BAYAN, hindi na bago ang usapin ng korapsyon sa Customs, dahil matagal na namang batid ng publiko na bulok ang sistema sa Customs, kaya’t hindi na nakapagtataka na maraming pangalan ang lumalabas ngayon na di umano’y tumatanggap ng tara.
Ang nakapagtataka aniya ay ang tila kakarampot na tugon na nanggagaling sa palasyo.
Ayon kay Reyes, hindi sapat na palitan lamang ang mga opisyal, kundi dapat aniya ay simulan munang tukuyin ang pinaka ugat ng problema.
Dagdag pa ni Reyes, ironic na maituturing na ang isang pangulong nanalo sa pamamagitan ng kaniyang platapormang kontra iligal na droga at kurapsyon ay mayroong anak na nakakaladkad ang pangalan sa mga iligal na gawain.