Cauayan City, Isabela- Nagkasagupa ng dalawang beses ang pinagsanib pwersa ng tropa ng 17th Infantry Battalion, Marine Battalion Landing Team 10 (MBLT10) at PNP Apayao laban sa mga rebeldeng grupo sa Barangay Mallig at Sitio Tawini, Barangay Upper Atok, Flora, Apayao kagabi, Marso 14, 2021.
Sa panayam ng 98.5 Ifm Cauayan kay LT. Allen Paul Tubojan, Acting Civil Military Operations Officer ng 17IB, nagsasagawa ng combat operations ang kasundaluhan sa Barangay Mallig dahil sa ipinarating na impormasyon ng mga residente na hinihingan sila ng pera at pagkain ng mga NPA nang bigla na lamang nagpaulan ng mga bala ng baril ang nasa tinatayang dalawampung bilang ng mga rebelde.
Matapos ang labinlimang minutong sagupaan, agad na umatras ang mga NPA at napadpad sa Barangay Upper Atok at muling napalaban sa tropa ng pamahalaan.
Sa isinagawang clearing operation, narekober ang tatlong (3) M16 na baril, isang (1) Rifle, mga gamit pangmedikal, mga subersibong dokumento, mga bagpacks at iba’t-ibang uri ng mga personal na kagamitan.
Nakita rin sa pinagpwestuhan ng mga NPA ang maraming bakas ng dugo habang maswerte namang walang nasugatan sa panig ng militar.
Ayon pa kay Lt Tubojan, una ng naideklarang Persona Non Grata ang mga rebeldeng CPP-NPA sa bayan ng Flora, Apayao kung kaya’t itinakwil na ang teroristang grupo sa nasabing lugar.
Ang nakasagupang rebeldeng grupo ng kasundaluhan ay mga miyembro ng West Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley na kumikilos sa Probinsya ng Cagayan.