Camp Melchor F dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Napasabak sa bakbakan ang tropa ng 50th Infantry Battalion sa grupo ng mga NPA sa Barangay Mabaca, Balbalan, Kalinga noong hapon ng Nobyembre 8, 2017.
Ang naturang bakbakan na tumagal ng dalawang oras ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng tatlong M16 rifles, isang M653 rifle at isang M14 rifle mula sa mga rebeldeng kumunista.
Walang nalagas sa panig ng mga militar ngunit pinapaniwalaang hindi bababa sa lima ang nasawi sa panig ng NPA batay sa limang matataas na kalibre ng baril na kanilang naiwan at mga bakas ng dugo na nakita sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Sa ipinaabot na ulat ni LtCol. Martin S. Daiz Jr., ang kumander ng 50IB, ang engkuwentro ay nangyari dahil sa kanilang pagresponde sa sumbong ng mga sibilyan na may mga armadong grupo na umanoy nangingikil at nagsasagawa ng mga gawaing nagdulot ng ligalig sa kumunidad.
Binigyang pugay naman ng pinuno ng 5th Infantry Division Philippine Army na si MGen Paul Talay Atal, D.P.A., AFP sa muling pagpapakita ng militar sa kanilang angat na kagalingan kumpara sa mga kalaban ng estado.
Kasalukuyan naman ang pagtugis sa mga tumakas na mga NPA.