Militar at NPA, Muling Nagkabakbakan sa San Guillermo, Isabela!

1921

*San Guillermo, Isabela- *Muling nagkasagupaan ang tropa ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA sa mga New People’s Army (NPA) pasado alas singko kaninang umaga sa Brgy Guam, San Guillermo, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay 1Lt. Alvin Cortes, Civil Military Operation Officer ng 86th IB, sumiklab ang unang sagupaan sa tinatayang sampung miyembro ng NPA matapos makatanggap ng impormasyon ang militar hinggil sa umano’y ginagawang pananakot at panggigipit ng mga rebeldeng grupo sa mga mamamayan.


Tumagal ng tatlumpong minuto ang bakbakan ng magkabilang panig na kalauna’y umatras at tumakas rin ang mga NPA.

Sa ginawang hot pursuit operation ng militar ay muling nagkapalitan ng putok ng baril ang magkabilang panig dakong alas sais y medya ng umaga malapit sa lugar na pinangyarihan ng unang sagupaan.

Wala namang naitalang casualty o nasugatan sa panig ng militar habang inaalam pa sa panig ng NPA kung saan may mga nakitang bakas ng dugo sa lugar na pinagpwestuhan ng mga rebelde.

Kaugnay nito, ipinag utos naman ni Lt. Col. Remegio Dulatre, Commanding Officer ng 86th IB sa kanyang tropa na paigtingin ang kanilang pagpapatrolya sa nasasakupan upang masupil ang mga masasamang plano ng mga rebeldeng grupo.

Facebook Comments

From Advertisers