Militar at NPA, Nagkabakbakan sa Hungduan, Ifugao

Cauayan City, Isabela- Nagkasagupa ang tropa ng 54th Infantry Battalion ng 5 th Infantry Division, Philippine Army at mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa barangay Nanggulunan, Hungduan, Ifugao.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Noriel Tayaban, pinuno ng Divisions Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, naganap ang bakbakan pasado alas 5:00 ng hapon kahapon sa pagitan ng mga sundalo at rebelde na miyembro Kilusang Larangang Guerilla (KLG) Marco ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA.

Ayon kay Maj. Tayaban, bago nangyari ang engkuwentro ay nagkaroon muna ng dayalogo sa mga residente ang mga sundalo na nagsasagawa ng Retooled Community Support Program (RCSP) bilang bahagi sa pinaigting na pagpapatupad ng EO#70 o Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).


Dahil dito, nakipagtulungan sa mga sundalo ang mamamayan sa lugar at isinumbong na mayroong presensya ng makakaliwang grupo sa kanilang nasasakupang barangay na agad namang tinugunan ng kasundaluhan.

Dito na nagka-engkuwentro ang mga rumespondeng sundalo sa tinatayang labing lima (15) na bilang ng mga NPA.

Samantala, kinumpirma rin ni Maj. Noriel Tayaban na nagkaroon muli ng ikalawang sagupaan sa Lalawigan ang hanay ng kasundaluhan sa mga nakaengkuwentrong NPA na naganap naman pasado alas 5:00 kaninang umaga.

Facebook Comments