Militar, kailangan sa kampanya laban sa ilegal na droga; Human Rights advocates, muling binanatan ng Pangulo

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na isang national security issue ang problema ng ilegal na droga sa bansa.

Sa kanyang public address, iginiit ng Pangulo na kailangan na ang militar sa pagsasagawa ng anti-illegal drugs operations.

Tinatayang 200 hanggang 300 suspects ang nahuhuli kada araw, patunay kung gaano laganap ang ilegal drug activities sa bansa.


Pinayuhan ni Pangulong Duterte ang mga anti-narcotics operatives na balewalain ang panawagan ng mga human rights advocates na ihinto ang giyera kontra droga.

Nagbabala rin ang Pangulo sa mga human rights activists lalo na mula sa ibang bansa na huwag maki-alam sa problema ng Pilipinas.

Inilinya pa ng Pangulo ang mga human rights activists sa mga notoryus na drug group tulad ng Sinaloa Cartel at Bamboo Triad bilang kalaban ng estado.

Kaugnay nito sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na aabot na sa 2,946 anti-illegal drug operations ang naisagawa kung saan nasa 3,646 suspects ang naaresto, 37 ang namatay.

Aabot na sa 15.5 kilos ng shabu at 11.7 kilos ng marijuana ang nasabat na nagkakahalaga ng 345 million pesos.

Facebook Comments