Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na iprayoridad ang pagpasa ng panukalang batas na layong ireporma ang pension system sa mga sundalo.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), nais ni Pangulong Duterte na ipasa ng mga mambabatas ang Unified System of Separation, Retirement and Pension of the Military and Uniformed Personnel na hindi binabawasan ang benepisyo na nakukuha ng mga ito sa ilalim ng mga kasalukuyang batas.
Pero aminado ang Pangulo na ang bagong sistema ay applicable lamang sa mga newly hired uniformed personnel.
Umaasa rin ang Pangulo na makakatulong ito na maiwasan ang korapsyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo na nagpapasalamat sila sa kanilang Commander-in-Chief sa pagsusulong ng bagong retirement at separation benefits system para sa mga bagong recruit at officer candidates.
Makakatulong ito na resolbahin ang ilang concern sa kasalukuyang pension at retirement pay ng AFP na kinukuha mula sa budget ng Department of National Defense (DND).