Dapat na maging “sincere” at “committed” ang Pilipinas sa national defense efforts nito.
Ito ang pahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson kasunod ng patuloy na pambabalewala ng China sa arbitral ruling na pabor sa Pilipinas hinggil sa inaangkin nitong teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa senador, dapat na pataasin ng bansa ang military spending nito ng maski dalawang porsiyento (2%) ng Gross Domestic Product (GDP) para mapalakas ang national defense efforts at mapantayan ang ibang bansa sa Southeast Asia.
Sa ilalim ng 2020 budget, aabot lang sa P192.1 billion o 0.9% ng projected GDP ang military expenditures ng Pilipinas na mas mababa kumpara sa ibang bansa gaya ng Vietnam, India at Japan.
Sa isang virtual international conference, sinabi ni dating Foreign Affairs Chief Albert Del Rosario na kailangan ng bansa ng kapasidad na protektahan ang mga teritoryo nito laban sa mga banta gaya ng mga pag-atake ng China.
Hinimok din niya si Pangulong Rodrigo Duterte na talakayin sa United Nations General Assembly sa Setyembre ang naging ruling ng Arbitral Tribunal at humingi ng suporta at tulong mula sa mga bansang gaya ng US, Australia, Japan at maging sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at European Union.