Cauayan City, Isabela- Kusang sumuko sa himpilan ng PNP Sto Niño sa Lalawigan ng Cagayan ang isang kasapi ng Militia ng bayan ng New People’s Army (NPA).
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, dakong alas 9:00 ng umaga, Hunyo 18, 2020 nang personal na magtungo sa pulisya upang magbalik loob sa pamahalaan si Fernando Clemor Jr., 31 taong gulang, walang asawa at residente ng Brgy. Balagan, Sto. Niño, Cagayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, noong Marso 2006 nang makanggap ng invitation letter mula sa kapitbahay si Clemor na dumalo sa pagpupulong na isasagawa ng rebeldeng grupo sa bayan ng Alcala, Cagayan.
Mula noon ay nagsimula na siyang bisitahin ng grupo at hinihikayat na sumapi sa kanilang kilusan na pinamumunuan ng isang Ferdinand Bautista alyas “Ka Simoy”.
Nagtayo ng kampo ang naturang kilusan sa kabundukan na malapit sa kanilang bahay upang mas madali umanong makapanghikayat ng kanilang bagong kasama.
Naatasan umano si Clemor na maniktik sa galaw ng mga sundalo at pulis lalo na sa kanilang mga isasagawang tactical operations.
Nanatili ng halos isang buwan si Clemor sa grupo hanggang sa mapagdesisyunang tumakas at nagtungo sa Maynila at nagkaroon ng trabaho bilang janitor.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ito ng Sto Niño Police Station para isailalim sa tactical interrogation at sa tamang disposisyon.