Manila, Philippines – Nakumpiska ng mga tauhan ng PNP CIDG Anti-Fraud Unit ang milyon milyong halaga ng mga pekeng seasoning.
Ito ay matapos nilang salakayin ang mga bodega ng mga pekeng seasoning sa Malabon, Bacoor, Cavite at Maynila kahapon.
Ayon kay Psupt. Rizalino Gapas ng CIDG Anti-Fraud Unit, humingi sa kanila ng tulong ang management ng Maggi Magic Sarap kaya’t ikinasa ang operation.
Ang mga sinalakay ay ang Tianci International Cargo Express/Lucky Javier Santos warehouse sa Platinum Street, Barangay Tinajeros, Malabon City kung saan nakakumpiska ng 3.2 Million pesos na halaga ng pekeng seasoning.
Isang warehouse sa Barangay Niog 3, Molino, Bacoor, Cavite; at isang wholesale store in Blumentritt, Maynila.
Kaugnay nito ay nagbabala ang PNP sa mga mahilig bumili at maglagay ng mga pampalasa o seasoning sa kanilang mga nilulutong pagkain na mag-ingat dahil nagkalat ngayon ang mga pekeng pampalasa.
Aniya ang original na Maggi Magic Sarap ay ibinibenta sa 4 na piso kada sachet ngunit sa peke ay 5 piso kada-tatlong sachet na ibinibenta sa mga bangketa at delikado sa kalusugan.