Milyon-milyong kliyente ng PAO at Dengvaxia victims, maaapektuhan ng budget cut sa kanilang Forensic Lab

Mahigit 13-M na mga mahihirap na kliyente ng PAO-Forensic Laboratory ang maaapektuhan ng pagtapyas ng Senado sa nasabing tanggapan

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, Chief ng Public Attorney’s Office (PAO)-Forensic Team, hindi lang mga biktima ng Dengvaxia anti-dengue vaccine ang maaapektuhan ng budget cut kundi lahat ng mahihirap na tinutulungan nila.

Nakakabahala aniya ito dahil hindi na matutulungan ng PAO forensic experts ang mga mahihirap na mabibiktima ng kriminalidad.


Ito ay dahil wala na aniya silang pampasweldo sa PAO doctors.

Una nang umalma si PAO Chief Persida Rueda-Acosta sa pahayag ni Senador Franklin Drilon na ang PAO-Forensic Laboratory ay duplication ng Philippine National Police- Scene of Crime Operation (PNP-SOCO) at ng National Bureau of Investigation (NBI)-Forensic Laboratory.

Iginiit ni Atty. Acosta na hindi duplication ang kanilang Forensic Lab dahil ang PAO ang naatasan ng gobyerno at ng Department of Justice (DOJ) na mag-imbestiga at tumulong sa pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.

Facebook Comments