Ikinagulat ng ilang senador ang milyon-milyong pisong pondo na hinihingi ng Philippine National Police (PNP) para makabili ng mga body-worn cameras.
Ito ay matapos lumabas na kada body cam ay nagkakahalaga ng mahigit 100,000.
Sa pagdinig ng Senate Sub-Committee of Finance kahapon, sinabi ni PNP Chief Guillermo Eleazar na 32,000 units pa ang kanilang kailangan.
Pero nagulat ang mga senador partikular na si Senator Sonny Angara nang malamang milyong pisong halaga pala ang kailangan para sa bawat set ng body cameras at system nito.
Sa ngayon, suhestiyon ni Senator Francis Tolentino na linawin ng PNP sa korte suprema kung anong alternative recording devices ang maaaring gamitin.
Pinasusumite rin ng sub-committee ang PNP ng detalyadong paliwanag tungkol sa halaga ng naturang mga body-cams.
Matatandaang June 2021 nang ilunsad ng PNP ang paggamit ng body-worn cameras para matiyak na magiging lehitimo ang mga gagawing police operations.