Cauayan City, Isabela- Nagsimula na ang Department of Agriculture Regional Field Office No.02 sa pamamahagi ng indemnification sa mga magsasakang apektado ng African Swine Fever sa Nueva Vizcaya.
Nasa 250 katao ang una nang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa bayan ng Quezon.
Sa datos ng ahensya, umaabot sa P6.7 milyon ang napasakamay sa nabanggit na bilang ng mga benepisyaryo ng programa kung saan pinakamalaki ang natanggap ng lalawigan.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Dolores Binwag sa ahensya dahil sa naibabang tulong sa mga apektado ng ASF at upang makabangon ang kanilang swine industry sa kanilang bayan.
Inihayag naman ni DA Regional Technical Director for Operations Roberto C. Busania ang kanyang pasasalamat sa mga magsasaka at opisyal ng Quezon sa pagpapakita ng suporta at tiwala sa mga ginagawang aktibidad para masigurong hindi na lumawak pa ang pinsala ng ASF.
Sa nakalipas na linggo, mahigit labing-tatlong milyong piso ang dumating na pondo mula sa Quick Response Fund ng DA na nakalaan para sa Isabela at Nueva Vizcaya.
Gayunman, ilan sa mga bayan sa Nueva Vizcaya ang tatanggap ng higit sa P10 milyon na paghahatian ay kinabibilangan ng Diadi, Bagabag, Solano, Villaverde, Bayombong, Kayapa, Ambaguio, Kasibu, Dupax del Norte, Aritao at Sta. Fe habang sa Isabela naman ay nakatakdang tumanggap ang ilang bayan ng higit sa dalawang milyon na kinabibilangan ng Cabagan, San Mariano, Sta Maria, Jones, Naguilian at Echague.
Samantala, inaasahan namang darating na sa lalong madaling panahon ang P161 milyon na galing sa President’s Contingency Fund para sa Isabela, Cagayan, Quirino at parte ng Nueva Vizcaya.