Inupakan ni Atty. Manases Carpio si Transportation Assistant Secretary Mark Tolentino dahil sa umano ay paggamit nito sa pangalan ng pamilya Duterte sa usapin ng Multibillion-peso Mindanao Railways Project.
Sa Facebook post ng asawa ni Davao city Mayor Sarah Duterte, binalaan nito ang publiko laban sa isang Asec. Tolentino na nagpapakilalang ‘in-charge’ umano sa mindanao railways project na may basabas mula sa unang pamilya.
Una nang inakusahan ni Asec. Tolentino ang kasamahang si Undersecretary for Railways TJ Batan at iba pang matataas na opisyales ng DOTr na umanoy gustong i-‘delay’ ang proyekto para umutang sa China gayong mayroon na itong 36-na bilyong pisong pondo mula sa national government.
Nuna rito, nagkagulo ang mga mamamahayag sa Transportation Department matapos na magpadala ng abiso para sa isang presscon si asec. tolentino na ‘sinopla’ ng DOTr Director for Communications Goddes Libiran dahil hindi umano ito otorisado.
Babala ni Atty. Carpio kay Asec Tolentino na tinawag niyang ‘name-dropper’, itigil na ito ang pagpapakalat ng kasinungalingan.
Sa paliwanag ng DOTr na ipinadala ni media relations officer Aly Narvaez, hindi ito ang unang pagkakataon na magpalutang ng gawa-gawang akusasyon si Tolentino nang walang sapat na basehan.
Bagama’t hindi direktang sinabi, mistulang ipinakita ng DOTr na ‘bitter’ lamang si Tolentino dahil gusto nitong maging Undersecretary for Railways pero sa halip na siya ang piliin ni Sec. Arthur Tugade ay si Usec. Batan ang pinili.
Giit ng DOTr, matutuloy nang walang delay ang Mindanao Railways Project bilang bahagi ng ‘build build build’ program ng Duterte administration.