Mindanao solon, pumalag sa negatibong social media post ng isang veteran journalist tungkol sa Mindanao

Umalma si KUSUG-TAUSUG Party-list Rep. Shernee Tan-Tambut sa ipinost sa social media ng veteran journalist na si Raissa Robles kaugnay sa plano ni incoming Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na buksan ang turismo ng Mindanao.

Sa Twitter post ni Robles ay nakalahad na tiyak na masisiyahan ang mga extremist groups tulad ng Abu Sayyaf at iba pang bandido dahil sa potensyal na pagdami ng mga mabibiktima ng kidnap kapag binuksan ang Mindanao sa turismo at hinamon din ang kalihim na maghanda na ng pang-ransom.

Sa “open letter” ni Tan-Tambut kay Robles, tinawag nito ang pansin ng mamamahayag at ipinaabot na dismayado siya sa ginawa nito na mistulang ipinahihiwatig na ang Mindanao ay pugad ng mga kidnappers at iba pang kriminal.


Iginiit ng kongresista na walang katotohanan ang post ng mamamahayag at sa katunayan ay nagsusumikap ang Mindanao lalo ang mga Muslim provinces na makapag-ambag sa pag-unlad ng bansa.

Pinaalalahanan din nito si Robles na bilang isang journalist ay tungkulin nitong unahin ang katotohanan at pagiging makatwiran bago ang mga sariling biases.

Hinamon din ng kongresista si Robles na magtungo sa mga probinsya sa Mindanao tulad ng Sulu, Tawi-tawi at Zamboanga City at siya mismo ay handang personal na samahan ang beteranong mamamahayag para makita nito na namumuhay ng payapa at maayos ang mga tao roon.

Facebook Comments