Minero, Patay sa Riding-in-tandem!

*Cauayan City, Isabela- *Bulagta ang isang minero matapos na tambangan ng riding in tandem criminal sa bahagi ng tulay sa Brgy. Rizaluna, Cordon, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Albert Panhon, 41-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Dallao, Cordon, Isabela habang ang mga suspek ay hindi pa nakilala.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, lumabas sa imbestigasyon ng PNP Cordon, naganap ang pamamaril nang pauwi ang biktima lulan ng kanyang minamanehong motorsiklo kasama ang limang ka-convoy na ka-barangay matapos magbenta ng ginto sa Lungsod ng Santiago.


Tinamaan ng hindi pa mabatid na uri ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng biktima na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Posible umano na target lamang si Panhon ng hindi pa nakilalang mga riding in tandem criminals dahil walang natamong sugat ang limang kasamahan nito.

Wala umanong nagawa ang kasamahan ng biktima dahil armado ang mga suspek na lulan ng itim na Honda TMX 125 na agad tumakas sa hindi malamang direksyon.

Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa pagkakilanlan ng mga suspek at motibo sa pamamaslang sa minero.

Facebook Comments