Manila, Philippines – Isusulong ni House Assistant Majority Leader Michael Romero sa plenaryo na gawing 12-anyos ang minimum age ng mga kabataang makakagawa ng krimen.
Giit ni Romero, masyadong bata ang edad na 9 taong gulang para sa minimum age ng criminal liability.
Ang mga batang siyam na taong gulang ay habambuhay na maaapektuhan emotionally at psychologically.
Itutulak ni Romero na palitan sa dose anyos ang edad ng criminal liability sa mga kabataan sa oras na sumalang ang panukala sa plenary debates at amendments para sa pag-apruba sa second reading.
Paliwanag ni Romero ang batang nasa edad na 12 taong gulang ay may ‘Act of Discernment’ na at marunong nang tumukoy kung tama o mali ang kanyang ginagawa.
Sinabi pa ng kongresista na sensitibong bagay ang pag-aresto at pagkulong sa mga musmos.
Tiyak din na pagtatawanan ang bansa ng legal at international community kung itutuloy ang edad na siyam para sa minimum age ng criminal liability.