Minimum na Pamasahe sa Traysikel sa Cauayan City, Isabela, 12 Pesos Pa rin- SP Salcedo Foronda!

*Cauayan City, Isabela-* Mananatili pa rin sa 12 pesos ang minimum na pamasahe sa traysikel sa Lungsod ng Cauayan hangga’t hindi pa naaprubahan ni City Mayor Bernard Dy ang isinusulong na ordinansa na dagdag pisong pasahe sa traysikel.

Ito ang binigyang diin ni Sangguniang Panlungsod Member Salcedo Foronda, C hairman ng Committee on Transportation sa RMN Cauayan hinggil sa ipinapanukalang taas pisong pasahe sa traysikel mula sa dating 12 pesos.

Nang aprubahan ng konseho ang resolusyon kaugnay sa taas pisong pasahe ay hiniling naman ng City Business Permit and Licencing Office (BPLO) na ipasa ito sa pamamagitan ng ordinansa at kung maaprubahan ito ng alkalde ay magagawan na ito ng fare matrix bago pormal na maipatupad sa Lungsod.


Ito ay dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa kaya’t hiniling na rin ng mga traysikel drivers ng Lungsod ng Cauayan na taasan ang minimum na pasahe sa mga pasahero.

Samantala, nakatakda nang isailalim sa pangatlo at pinal na pagbasa sa konseho ang naturang panukala bago ito dalhin at pirmahan ni City Mayor Bernard Dy.

Kaugnay nito ay isinuhestiyon naman ni Councilor Edgar de Luna na kung maaprubahan sa pinal na pagbasa ang panukalang ordinansa ay lalagyan na ng price bracket ang presyo ng petrolyo sa gagawing fare matrix upang magkaroon ng otomatikong gabay ang mga tsuper kung sakaling may pagbabago sa presyo ng petrolyo.

Facebook Comments