Minimum na sahod ng mga private health professionals, pinatataasan sa ₱30,000

Pinatataasan sa Kamara ang minimum wage ng mga private health professionals sa buong bansa.

Inihain nila Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ang Magna Carta for Private Health Workers Bill na layong itaas ang buwanang sahod ng mga pribadong health workers sa ₱30,000, pagbabawal sa kontraktwalisasyon, pagtiyak na sapat lamang ang workload na ibinibigay at maitaas ang standard of living ng mga ito.

Ayon kay Gaite, malayo sa daily minimum cost of living na ₱1,205 ang natatanggap na sweldo ng mga private health workers.


Nahaharap din ang mga ito sa krisis tulad ng pagiging overworked, underpaid, at napagkakaitan ng karapatan sa job security at pagbuo ng unyon.

Naniniwala naman si Zarate na makakatulong ang pagtataas sa sweldo ng mga private health professionals na hindi na mag-abroad at manatili na lamang sa bansa.

Sa desisyon ng Korte Suprema, kinatigan nito ang pagtatakda ng mataas na sahod ng mga nurse sa public sector sa Salary Grade 15 o ₱30,531 pero walang panukala para sa mga health professionals na nasa pribadong sektor.

Facebook Comments