Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pateros na mas paiigtingin nito ang implementasyon ng minimum public health standards laban sa COVID-19 sa munisipalidad.
Ayon kay Pateros Mayor Miguel Ponce, matapos ang mahabang panahon na naging COVID-19-free ang bayan ay muli na namang nakapagtala ng aktibong kaso.
Base sa datos ng municipal government noong nakaraang linggo, lima ang binabantayang kaso ng COVID-19 sa Pateros partikular sa Sta. Ana na siyang pinakamalaking barangay sa munisipalidad.
Nananatili namang zero ang active case sa siyam na barangay.
Paliwanag ni Ponce na naka-isolate na ang mga pasyente habang kasalukuyang ginagawa ang contact tracing para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ipinunto pa ng alkalde, na istriktong ipatutupad ang health protocols upang hindi na bumalik ang bayan sa napakahirap na lockdown na nagdulot ng pagkawala ng hanapbuhay at gutom.