Minority bloc, hihirit ng ilang mga posisyon sa mga piling komite sa Kamara

Hihilingin ng minorya sa Kamara na magkaroon ng representasyon sa ilang mga mahahalagang komite sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay Minority Leader Joseph Stephen Paduano, makikipagpulong ang minority bloc kay House Speaker Lord Allan Velasco para idulog ang kanilang kagustuhan na pamunuan ang ilang mga komite upang maging mas epektibo ang kanilang pagiging fiscalizer sa Kamara.

Partikular na iginiit ni Paduano na ibigay sa minorya ang Chairmanship sa Committee on Public Accounts na kasalukuyang pinamumunuan ngayon ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor.


Giit ng minority leader, kung tutuusin, noon pa man ay nakatalaga na ang public accounts sa minorya na naging isang tradisyon na sa Kamara.

Kahit aniya ang dating minority leader na si Manila Rep. Bienvenido Abante ay kinausap noon tungkol dito si dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa minorya noon ibinibigay ang komite na nagbabantay at bumubusisi sa performance ng mga ahensya ng pamahalaan partikular na sa pagsilip kung nagagamit sa tama ang mga appropriations o pondo na inilaan sa mga proyektong inaprubahan ng lehislatibo.

Bukod sa public accounts ay itinutulak din ni Paduano na mabigyan ang minorya kahit ng Vice-Chairmanship sa Committee on Ethics and Privileges.

Facebook Comments