Umapela si Senator Risa Hontiveros sa mga kasamahan sa Senado na magkaisa na alisin ang probisyon na nagbibigay pahintulot sa mga government financial institutions (GFIs) at Government Owned and Controlled Corporation (GOCCS) na maaaring mag-invest sa Maharlika Investment Fund.
Sa interpelasyon sa plenaryo sa Senate Bill 2020, sinabi ni Hontiveros na kahit tinanggal sa MIF Bill ang probisyon sa paggamit ng pondo ng SSS at GSIS ay mistula namang nagbukas ng backdoor ang nasabing probisyon.
Nababahala ang senadora sa posibilidad na magamit pa rin sa sovereign wealth fund ang pinaghirapang pensyon ng mga retirado kaya hiniling nito sa mga kapwa senador na magtulungan para alisin ang naturang probisyon.
Ibinulgar pa ni Hontiveros na batay sa kanyang mapagkakatiwalaang source, hindi galing sa mga economic managers ang ideya ng Maharlika Fund kundi sa Presidente ng GSIS na si Wick Veloso.
Malaki rin ang pangamba ng mambabatas na bukod sa ito ang nagpanukala sa presidente kung saan ililipat ang pondo ng GSIS, si Veloso ay isa rin sa mga appointees ng pangulo na bukas sa posibilidad na maimpluwensyahan.
Nagbabala pa si Hontiveros na dahil sa nasabing probisyon, maaaring baguhin ng GSIS board ang kanilang investment strategy at maaari ng isugal ang higit sa P1 trillion na pera ng GSIS sa Maharlika Fund.
Tumanggi naman si Senator Mark Villar, sponsor ng MIF Bill, na magkomento sa estratehiya ng GSIS at tiwala siyang may nakalatag na sapat na safeguards at controls ang Maharlika fund.