Pinayuhan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mga lider ng Senado at maging ang Kamara na huwag masyadong dikit o kapit sa posisyon.
Sa gitna na rin ito ng lumutang na isyu ng pagpapatalsik kay Senator Juan Miguel Zubiri bilang Senate President dahil umano sa mababang output at kawalan ng suporta sa isinusulong na legislative measures ng pamahalaan na una namang itinanggi ng senador.
Ayon kay Pimentel, ang advice talaga para sa lahat ng mga magiging Senate President at Speaker of the House ay huwag ma-attach masyado sa posisyon.
Aniya, kung nagiging kritikal o alanganin na ang bilang ng suporta ay mas makabubuti kung ibibigay o ipauubaya na sa iba ang posisyon.
Matatandaang si Pimentel ay bumaba sa pwesto noong 2018 bilang Senate President matapos na kumalat ang balita ng reorganization sa liderato ng Senado at ang kanyang ini-nominate na kapalit niya ay si dating Senate President Tito Sotto III.
Dagdag pa ni Pimentel, mahina rin kasi ang party system para mabigyang suporta ang mga lider ng Kongreso at sadyang walang stability o walang garantiya na matatag ang isang liderato.