Minorya sa Kamara, naglabas ng manifesto na nagpapasibak kay PCOO Usec. Lorraine Badoy

Naglabas ng manifesto ang Minorya sa Kamara kung saan pinasisibak ng mga ito si Communications Undersecretary Lorraine Badoy bunsod ng “terrorist-tagging” nito sa mga miyembro ng Makabayan Bloc.

Nakasaad sa manifesto na pirmado ng 21 miyembro ng Minority Bloc sa pangunguna ni Minority Leader Benny Abante, hindi umano taglay ni Badoy ang core values ng isang Pilipino at tahasan pa nitong binabastos ang mga halal na opisyal na binigyang mandato na maglingkod sa taumbayan.

Binigyang-diin pa rito na hindi katanggap-tanggap para sa mga miyembro ng Minorya ang walang pakundangang pag-atake ng Undersecretary gamit ang kanyang social media platform na nagtulak pa sa mga followers nito na pagbantaan ang mga kongresista ng Makabayan.


Dahil dito ay pinasisibak ng Minority Bloc si Badoy sa kanyang pwesto dahil hindi nito tinataglay ang tamang asal ng isang civil servant.

Ipinipilit din ng Minorya sa PCOO at sa mga opisyal nito na alisin ang mga social media posts laban sa Makabayan at pinagiisyu ng public apology ang ahensya dahil sa “grave misconduct.”

Bunsod pa rin ng red-tagging issue laban sa Makabayan ay muling naipagpaliban ang plenary deliberation sa budget ng PCOO.

Samantala, nilinaw naman ni Bataan Rep. Joet Garcia na labas na ang PCOO sa social media posts ni Badoy.

Ang mga pahayag ni Badoy ay kanyang sariling opinyon bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Facebook Comments