Minorya sa Senado, hinihikayat ang pangulo na i-veto ang MIF

Hinihimok ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Pangulong Bongbong Marcos na i-veto ang kapapasa pa lang sa Kongreso na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ayon kay Pimentel, ang kasalukuyang porma ng panukala ay hindi katanggap-tanggap kaya naman nananawagan siya sa pangulo na gamitin nito ang veto powers at ibalik ang panukala sa Kongreso para maiwasto.

Aniya pa, para sa interes ng taumbayan at ng pamahalaan na maibalik sa Kongreso ang Maharlika Investment Fund upang sa gayon ay magkaroon ng pagkakataon na masilip muli ang panukala at matugunan ang mga katanungan ng maraming sektor.


Paliwanag ng senador, ang pagbabalik sa Kongreso ng MIF ay magbibigay sa kanila ng panahon na maresolba ang mga magkakasalungat na probisyon at makapagdaragdag ng safeguards para maprotektahan at mapangalagaan ang transparency at accountability.

Sinabi pa ni Pimentel na tulad na lamang ng ipinunto ni Senator Chiz Escudero, ang mga kahinaan ng isang panukala ay resulta ng pagmamadali rito gaya ng hindi pinagplanuhang Maharlika Investment Fund.

Punto pa ng chief fiscalizer ng Senado, ang MIF ay puno ng malabo, nagbabanggaan, walang katiyakan at butas sa mga probisyon na parehong hindi natugunan ng Senado at Kamara dahil sa pagmamadaling mailusot ito sa Kongreso.

Facebook Comments