Minorya sa Senado, nagbabala na krimen ang gagawin kung may babaguhin sa inaprubahang MIF

Nagbabala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na maaaring magresulta sa krimen kung may plano ang Senado na baguhin ang ilang mga salitang nakapaloob sa Maharlika Investment Fund Bill (MIF) para ito ay maging perpekto.

Kaugnay na rin ito sa pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi pa naman ‘enrolled bill’ ang MIF kaya maaari pang magpasok ng ‘perfecting amendments’ na gagawin ng Senate at House Secretariat.

Payo ni Pimentel, ito ang huwag na huwag na gagawin ng mga kasamahang senador dahil ang pagpapalit ng mga salita sa bersyon ng panukala na nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa ay katumbas ng ‘falsification’.


Paliwanag ng mambabatas, mawawalan ng saysay ang salitang “FINAL” kung maaari naman palang galawin o baguhin pa ang bersyon na pinaaprubahan sa plenaryo.

Ipinunto pa ni Pimentel na ang pagwawasto sa nilalaman ng panukala ay dapat na ginagawa sa plenary floor ng mga inihalal na miyembro ng Senado at hindi ng mga ‘unelected staff’.

Magkagayunman, sinabi ng senador na pinapayagan na baguhin ang pagkakasunud-sunod ng numero ng mga sections na nakapaloob sa ipinasang panukala.

Mababatid na sa inaprubahang MIF Bill ay naipasok ang Sections 50 at 51 na naglalaman ng magkaibang prescriptive period para sa paghaharap ng kaso sa sinumang mangaabuso sa Maharlika Fund.

Facebook Comments