Kinatigan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos patungkol sa isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Sang-ayon si Pimentel sa posisyon ni PBBM na maraming bagay na mas dapat na unahin ang pamahalaan at maaari pa ring pumasok sa bansa ang mga foreign investment kahit hindi inaamyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Aniya, ang panukalang charter change para sa economic provisions ay hindi ‘urgent’ o hindi agad kinakailangan dahil may mga batas naman na inaprubahan at inamyendahan para lumuwag ang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa bansa.
Giit ni Pimentel, ang mas dapat na unahin ngayon ay ang pagpapagaan sa mga paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino.
Kung magagawa aniyang tulungan ng gobyerno na mapabuti ang araw-araw na buhay ng taumbayan ay mas mabibigyan natin ng pagkakataon ang mamamayan na makilahok sa paglago ng ekonomiya.
Sa kabilang banda naman, sinabi ni Pimentel na kinakailangan pa ring silipin ang Konstitusyon sa hinaharap pero sa usapin ng political provision para mapaghusay pa ang sistema ng pamamahala sa bansa.
Naniniwala ang senador na kailangang repasuhin ang political provisions ng Konstitusyon at maglatag ng reporma sa sistema partikular sa partylist system at paglalagay ng ‘safeguards’ laban sa political dynasty.