Minorya sa Senado, umaasang mahihimok ang mga senador na kontrahin ang pag-apruba sa Maharlika Investment Fund bill

Umaasa ang Minorya sa Senado na marami pang senador ang mababago ang isip patungkol sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, gagawin nila ang lahat ng paraan sa Minorya para hindi makapasa ang Maharlika Fund at makumbinsi ang mayorya ng mga mambabatas kung bakit hindi dapat ito suportahan.

Paliwanag ni Pimentel, alinsunod sa Konstitusyon ay hindi dapat sundin ang certification ng pangulo sa sovereign wealth fund dahil ang sertipikasyon sa panukala ay ibinibigay lang kung may emergency lang o kalamidad.


Aniya, isa sa magiging estratehiya nila ni Senator Risa Hontiveros ay ipapaliwanag sa interpelasyon na mali ang lahat ng binuong ideya sa Maharlika fund.

Malinaw aniya na nag-umpisa ang konsepto ng sovereign wealth fund na dapat ay may surplus o sobrang pondo na mapagkukunan ang pamahalaan pero ngayon ay lumiko na ng lumiko ang ideya na mistulang state investment fund at naging kitaan na ang motibo.

Hirit pa ni Pimentel, dapat ay pagbigyan sila ng liderato na maipaliwanag ang dahilan ng kanilang pagtutol dahil ang Maharlika Investment Fund Bill ay perwisyo at hindi benepisyo.

Facebook Comments