Minorya sa Senado, umaasang may mababanggit ang pangulo na plano sa agrikultura sa kanyang ikalawang SONA sa Hulyo

Umaasa si Senator Risa Hontiveros na mayroong babanggitin na plano para sa agrikultura si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa July 24.

Nakukulangan si Hontiveros sa pagpaparamdam at ginagawang mga programa at proyekto ng pangulo sa sektor ng agrikultura.

Napansin kasi ng senadora sa kanyang pagpunta sa Albay matapos magpaabot ng tulong sa mga kababayang apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon na mas kumikita pa ang mga middle man kumpara sa mga magsasaka na nagpapakahirap.


Ang middle man aniya ang bumibili sa tanim ng mga magsasaka at sila rin ang nagdidikta ng presyo kahit high value crops ang pananim ng local farmers.

Hiniling ni Hontiveros kay Pangulong Marcos na marinig sana sa kanyang SONA ang pagpapatupad sa Sagip Saka Law na ipinasa noon ni dating Senador Kiko Pangilinan.

Sa Sagip Saka Law ay oobligahin ang gobyerno na bumili nang direkta ng mga produkto sa mga magsasaka upang maiwasan na ang pagdaan pa sa middle man na nagpapataas ng presyo ng mga bilihin at nagpapalugi sa mga magsasaka.

Samantala, sinabi pa ni Hontiveros na pag-uusapan muna nila ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung dadalo ba silang mga taga-oposisyon sa ikalawang SONA ng pangulo.

Facebook Comments