
Nilinaw ni Senate President Tito Sotto III na simula pa lang ay wala talagang bilang o numero ang minorya para alisin siya sa pwesto kaya hindi natuloy ang planong kudeta sa kanyang liderato.
Mali aniya ito sa iniisip ng iba na kaya inalok ng mayorya si Senator Loren Legarda na maupong Senate president bago matapos ang 20th Congress ay para mapigilan ang tangkang kudeta laban sa kanya.
Ayon kay Sotto, habang roll call pa lamang ay alam na nilang walang numero ang kabilang grupo para tanggalin siya sa posisyon dahil walang ni isa ang tumayo para i-manifest ito.
Hindi rin aniya uubra ang salita lamang na may pagpapalit sa Senate leadership dahil tiyak na mapapahiya ang gagawa nito.
Kailangan aniya ay matiyak muna na mayroong 13 boto at kailangan nakasulat ito sa isang manifesto para maging matibay ang commitment na mayroong pagpapalit ng liderato.
Bukod dito, dapat din munang kausapin ang kasalukuyang Senate president saka iprisinta ang sapat na lagda at ang dahilan kung bakit nais ng pagbabago sa leadership at sa puntong ito, kadalasan ay nagdedesisyon ang nakaupong Senate president na magbitiw na lamang, at ito ay ihahayag sa plenaryo.










