MISA DE GALLO, SINIMULAN NA SA MANAOAG

Sinimulan na kahapon, Disyembre 16, ang Misa de Gallo sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag, hudyat ng siyam na araw na simbang gabi na tatagal hanggang Disyembre 24.

Nagsimula bandang alas-4:30 ng madaling araw ang unang misa na dinaluhan ng maraming Katoliko at deboto.

Napuno ang loob at labas ng basilica ng mga nagsimba mula sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng lalawigan ng Pangasinan.

Kasabay ng dagsa ng mga deboto, pinaigting ng Manaoag Municipal Police Station ang seguridad sa paligid ng simbahan.

Nagtalaga ng mga pulis sa pangunahing pasukan at sa mga kalsadang nakapaligid sa basilica upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga nagsisimba.

Ayon sa pulisya, nananatiling mababa ang insidente ng nakawan sa bayan at mas tinututukan ang maayos na daloy ng trapiko at paradahan ng mga sasakyan upang maiwasan ang pagsisikip at abala habang isinasagawa ang Misa de Gallo.

Facebook Comments