Bukas si Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal sa anumang imbestigasyon laban sa kanya kaugnay sa alegasyon ng korapsyon.
Ito ang inihayag ng mambabatas matapos na mapabilang siya sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa mga anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH), base na rin sa ibinigay na listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Sa interview ng RMN Manila kay Oaminal, binigyan diin nito na walang matibay na ebidensya na direktang nagsasangkot sa kanya sa korapsyon.
Nilinaw rin ni Oaminal, na ang HSO Construction Corp. na una nang sinabi ng Pangulong Duterte na kanyang pagmamay-ari ay matagal na niyang ibineta at hindi rin kabilang sa anumang construction projects ng DPWH sa Misamis Occidental.
Sa kabila nito, sinabi ng kongresista na nananatili ang suporta niya sa anti-graft campaign ng Duterte Administration.
Bukod kay Oaminal, napabilang din sa listahan ng PAC sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina Tan, ACT-CIS Party-List Rep. Eric Yap, Bataan Rep. Geraldine Roman, at Former Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr.