Manila, Philippines – Inamin mismo ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na lumang-luma na ang kanilang mga ginagamit na radyo para sa mga operasyon.
Kaya naman hirap talaga ang kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan lalo na kapag nasa liblib na lugar o bundok ang mga pulis.
Ang radyo aniya na ginagamit nila ngayon kapag lumampas nang isang kilometro ang pagitan ay hindi nagkakarinigan dahil nawawalan na ng signal.
Pero sinabi ni Albayalde na bahagi ng kanilang ginagawang modernisasyon ngayon ang pagpapalit ng mga communication equipment para makasabay sa high tech na gamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Natukoy na luma ang radio communication equipment ng PNP matapos ang nangyaring misencounter sa Sta. Rita Samar sa pagitan ng mga pulis at Philippine Army na ikinasawi ng anim na pulis at pagkasugat ng syam na iba pa.