Cauayan City, Isabela- Nagpositibo na rin sa corona virus ang misis ng lalaking unang naitalang COVID-19 positive sa Bayan ng Alcala matapos lumabas ang resulta ng swab sample nito mula Department of Health Region 2.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Cagayan Valley Medical Center Chief, nakatakdang dalhin sa isolation ward ng ospital ang ikalawang pasyente mula sa Alcala para tuloy-tuloy na masuri ang estado ng kalusugan nito.
Nabatid na magkasama sila ng kanyang mister na umuwi mula Metro Manila sa ilalim ng Balik-Probinsya’Program ng lalawigan sakay ng isang pribadong sasakyan at nakasabayan din ang limang iba pa.
Samantala, kinumpirma din ng pamunuan ng CVMC na nasa maayos na kalagayan ang naunang dalawang positibong pasyente na isa ring 30-anyos at 21-anyos.
Sa ngayon ay nakapagtala ng kabuuang apat (4) na panibagong kaso ng COVID-19 ang buong rehiyon dos.