Misis, sinilaban ng buhay ang mister dahil umano sa matinding galit

2354
(Pinterest image)

Naipong galit daw ang nagtulak sa 24-anyos na misis para silaban ng buhay ang kanyang mister sa kanilang bahay sa Barangay Sanniaidro, Sta. Rita, Pampanga, madaling araw ng Linggo.

Sa report ng pulisya, natutulog noon ang mag-asawa nang buhusan ng gasolina ng suspek na kinilalang si alyas “Gigi” ang mister saka sinindihan ng lighter.

Ayon kay Gigi, nagdilim daw ang kanyang paningin kaya niya nagawa ang krimen na bunga rin di-umano ng matinding galit sa pambabae at pananakit ng asawa.


Nais din daw niyang turuan ng leksyon ang mister na lagi raw siyang minumura sa tuwing nakakainom.

Saad naman ni Police Col. Jean Fajardo, Pampanga Provincial Police Office director, bago mangyari ang insidente ay nakipag-inuman pa ang biktima kasama ng kanyang kabit.

At base raw sa salaysay ng suspek, matagal at paulit-ulit na away mag-asawa ang dahilan ng insidente.



Samantala, hindi naman nasunog ang buong bahay ngunit nalapnos ang buong katawan ng biktima na nagawa pang maisugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay kinalaunan.

Bagama’t pinagsisisihan ni Gigi ang ginawang krimen, sasampahan ito ng kasong parricide ayon sa awtoridad.


Facebook Comments