Manila, Philippines – Umapela ang mga kamag-anak ni Jonalyn Anilao Ambaon, ang babaeng napasamang nabaril ng mga pulis at mga barangay tanod sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City sa pamunuan ng PNP na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
Matatandang na noong December 28 ng gabi ay nabaril si Ambaon kaya agad na isinakay sa mitsubishi adventures ng kanyang mga kasamahan upang dalhin sa pagamutan.
Pero habang binabagtas nila ang Barangay Addition Hills ay agad silang pinaputukan ng mga pulis at barangay tanod sa pag-aakalang getaway car ito ng suspek sa pagbaril na nagresulta naman sa pagkasawi nina Jomari Hayaan at Jonalyn Ambaon habang kritikal naman sina Danilo Santiago at Eliseo.
Una rito, sinuspinde na nina Mayor Melchor Abalos at NCRPO Director Oscar Albayalde ang mga barangay tanod at pulis na nakapatay sa mga biktima dahil sa mistaken identity.
Wala pang mga kamag-anak na dumalaw sa burol ni Jonalyn sa simbahan ng Barangay Addition Hills kung saan nais ng mga kamag-anak nito na mapanagot sa batas ang may kagagawan sa pagkamatay ng mga biktima.
Ayon naman kay Albayalde, hindi nito kukunsintihin ang mga pulis na sangkot sa naturang insidente.