Alas-10:00 ngayong umaga ay ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang ika-anim na pagdinig ukol sa pagbili ng gobyerno ng umano’y overpriced na face mask, PPE at iba pang medical supplies.
Ito ay sa kabila ng panawagan ng Malacañang na kung may nakikitang iregularidad ang mga senador sa pagbili ng pandemic supplies ay magsampa na lang ng kaso sa halip na ipatawag sa pagdinig at abalahin ang mga miyembro ng Gabinite at iba pang personalidad na nakatutok sa pagtugon sa pandemya.
Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, tutuklasin nila sa pagdinig ang misteryo, at mga personalidad sa likod ni dating Presidential Adviser Michael Yang o kung kumilos itong mag-isa.
Ito ay makaraang lumabas sa nakaraang Senate hearing na may papel si Michael Yang sa pagbili ng umano’y overpriced na medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon sa presidente ng kompanya na si Huang Tzu Yen at sa direktor nito na si Lincoln Ong, naging financier nila si Yang at guarantor din at ito rin ang nagpakilala ng mga supplier sa China.
Tinukoy rin ni Lacson ang pag-amin ni Huang Tzu Yen na umabot sa mahigit P3.8 billion nila ibinenta sa gobyerno ang 2 milyong sets ng PPE o 1,910 pesos bawat isa na nabili ni Michael Yang sa 1,150 pesos bawat isa at tinubuan ng 760 pesos.
Sabi ni Lacson, malinaw na sa PPE pa lamang ay kabuuang P1.5 billion na umano ang kinita ni Yang.
Diin ni Lacson, pag-aaralang mabuti ng komite ang lahat ng ebidensya at sinumpaang salaysay.
Diin pa ni Lacson, sisikapin din ng komite na makuha ang kabuuang imbentaryo ng lahat ng purchase orders upang madetermina kung magkano sa P42 billion na halaga ng mga kontrata ang napunta sa Pharmally Pharmaceuticals.