Misting tents, hindi inirerekomenda ng DOH

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi nila inirerekumenda ang paggamit ng misting tents at sa katunayan may inilabas na silang Department Order hinggil dito.

Ang pahayag ng DOH ay kasunod ng paggamit sa larawan ni Health Secretary Francisco Duque III habang nasa isang misting tent at gumagamit ng foot bath na mistulang ginawang modelo ang kalihim sa ibinebentang misting tent.

Ayon sa DOH, bagama’t nasa loob ng misting tent si Duque ay wala namang nangyaring misting.


Kasabay nito, nagbabala ang DOH na ang mga ganitong misrepresentation ay may katapat na parusa.

Matatandaang una ng inamin ng DOH na matapos ang pag-aaral ng mga eksperto, napatunayang walang ebidensyang magpapatunay na epektibo bilang pangontra sa COVID-19 ang misting o pag-spray ng kemikal.

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang misting o pag-spray ng disinfection chemical na direkta sa isang tao ay maaaring makasama lalo na kung may hika o ubo ang isang indibidwal.

Sa halip na makatulong, nagbabala pa si Vergeire na maaari lang itong makasama dahil pwede nitong palaganapin ang droplets kung mayroong umubo sa loob ng tent.

Facebook Comments