Mithiing 80% na Reserbang Puwersa ng AFP, Bigo

Ang pagkakatigil ng mandatory ROTC ang dahilan kung bakit hindi maabot ang hangaring 80% na reserbang puwersa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ito ay nabanggit ni Rear Admiral Samuel Z Felix, Deputy Chief of Staff for Reservists and Retiree Affairs o J9 ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kanyang ginawang talumpati sa pagtatapos ng mga aktibidad may kaugnayan sa 40th National Reservist Week sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.

Sa naturang okasyon ay kanyang ipinaliwanag sa harapan ng mga kadete ng ROTC at mga Laang Kawal o reservist na mahalaga ang pagiging mandatory ng ROTC dahil ito ay makakatulong para sa disiplina ng mga kabataan at sa pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan gaya ng sakuna.


Binanggit niya na ang karapat dapat na kalagayan ng sandatahang lakas ay 20% ang regular na puwersa at may naka-abang na 80% na reserba.

Ang ROTC ang siyang pinangagalingan ng reserbang puwersa ng sandatahang lakas ng pilipinas o AFP.

Ang pagbaba ng pinanggagalingan ng reserbang puwersa ng AFP ay nangyari noong pinalitan ng National Service Training Program o NSTP ang mandatory ROTC simula noong 2002.

Sa ilalim ng NSTP Program ay pipili ang mga eskuwelahan sa tatlong kursong ihahain sa mga papasok ng kolehiyo.

Ang tatlong programa ay ang Civic Welfare Training Service (CWTS), Literacy Training Service (LTS) at Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Ang nakakalungkot umano ay marami sa mga eskuwelahan ang hindi isinasama ang ROTC sa kanilang programa sa ilalim ng NSTP.

Dahil dito ay kanyang binanggit ang pangangailangan ng pagpapanumbalik ng mandatory ROTC para maabot ang minimithing bilang ng reserbang puwersa ng armada ng bansa.

Ito ay dahil din sa pagkilala sa pangangailangan ng dispilina ng mga kabataan na mismong ang Pangulong Duterte ang nagsusulong nito.

Kanya namang pinuri ang mga kabataang sumasailalim ngayon sa ROTC program dahil sa pagkakahubog ng kanilang isipan na nakaumang sa pagtulong sa bayan, pagmamahal sa bansa at ang pagkakalinang ng kanilang kaalamang tutugon sa mga kalamidad.

Ang 40th National Reservist Week sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan ay ginanap sa pangunguna ng Northern Luzon Command, 2nd Regional Community Defense Group (RCDG) at ng J9 ng AFP.

Kabilang sa mga personalidad na dumalo sa okasyon ay sina 502nd Infantry Brigade Commanding Officer Col Laurence Mina, Ex-O ng J9 Col Francis Carter Sibal, 2nd RCDG Group Commander Col Johnson Jemar D Aseron, at ilan pang opisyal ng PAF, NOLCOM, 502nd Brigade, 17th IB at 2nd RCDG.

Facebook Comments