Mananatili sa China para sa ilang araw na quarantine ang sinumang miyembro ng Philippine delegation na magpopositibo sa COVID-19.
Ito ang sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Nathaniel Imperial sa press briefing sa Malacañang.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay tutungo sa China sa January 3 hanggang January 5 para sa state visit at magkakaroon rin ng mga business meeting.
Sa ngayon, tumataas ang kaso ng COVID-19 sa China dahil sa panibagong variant.
Sinabi ni Imperial may official quarantine facility na inilaan sa sinumang miyembro ng Philippine delegation na magpopositibo sa COVID-19 habang sa China.
Ayon sa opisyal, hangga’t hindi nagnenegatibo sa COVID-19 ang positibong indibidwal ay hindi papayagang makabalik sa Pilipinas.
Pero sa huli sinabi ni Imperial na sisiguruhin daw ng Chinese government na gagawin ang engagement ng pangulo sa kanilang bansa na hindi hahayaang ma-expose sa virus.