Tama lamang na manatili sa Alert level 3 ang Metro Manila.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na ito ang napagkasunduan ng mga Metro Manila Mayors kaya’t pinalawig ang Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR) hanggang katapusan ng Enero.
Ani Abalos, bukod sa mga indicator na Average Daily Attack Rate (ADAR), 2-week growth rate at ang hospital care utilization rate ay kapansin-pansin na hindi na ganon kadami ang tao sa mga mall, kalsada at iba pang establisyimento.
Binigyang katwiran pa nito na natuto na ang mga Pilipino na mag-self-regulate.
Aniya, sa higit 2 taon na nating pakikipaglaban sa COVID-19 alam na ng mga tao kung papaano disiplinahin ang kanilang mga sarili kung kaya’t wala nang rason pa upang iakyat sa Alert level 4 ang NCR kahit na patuloy sa paglobo ang mga kaso.