Magkakaroon ng dayalogo ngayong hapon ang Metro Manila mayors kasama ang mga eksperto at business sectors kasunod ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ang mga Local Government Unit o LGU ng ordinansa hinggil sa pagbabawal lumabas o makapag-mall ang mga bata edad 12 pababa na hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Benhur Abalos na pag-uusapan nila sa pulong mamaya kung anong edad talaga ang papayagan lamang makapasok sa mall.
Maglalatag din aniya sila ng guidelines hinggil dito.
Paliwanag pa ni Abalos, magkakaroon ng unified policy o iisang polisiya ang Metro Manila mayors hinggil sa anong edad lamang ang papapasukin sa malls.
Ani Abalos, concern lamang si PRRD sa mga bata na hindi pa nababakunahan at sila ay isinasama ng kanilang mga magulang sa malls at iba pang pasyalan na dinadagsa ng tao.
Matatandaang kamakailan, isang 2 years old ang nagpositibo sa COVID-19 ilang araw matapos itong isama sa mall ng kaniyang mga magulang.